Bakit ko ba ito kailangan pang isulat? Dahil ito ang mga panahong walang ibang nararamdaman ang aking puso kundi ang saya na dala ng pagtuturo. Ito ang mga panahon na lagpas tenga ang aking mga ngiti tuwing makikita kong may natututunan saakin ang aking mga bata... kapag ang mga mata nila ay nagniningning dahil naunawaan nila ang isang bagay na inaakalang mahirap... kapag nakakuha sila ng mataas na marka sa subject na kinatatakutan nila at kinatakutan ko ring ituro. Ito ang mga panahon na napapagod ako, ngunit patuloy ko pa ring gustong pumasok kinabukasan upang magturo. At ito ang mga panahon na sigurado ako na tama ang desisyon ko para pasukin ang mundong ito. Balang araw, alam kong mapapagod ako at panghihinaan ng loob at tatanungin ko ang sarili ko kung tama ba ito. Kapag dumating ang araw na iyon, gusto kong muling maalala ang mga mahahalagang bagay na nakalimutan ko na. Buhayin muli ang pusong tumitibok dahil sa pagtuturo, buhayin muli ang utak na nilamon na marahil ng kahirapan ng buhay, at gisingin ang natutulog na kaluluwang dati rati ay nangangarap lamang.